Sining sa kalsada: Session Road (Unplugged)
Image Source: Casem, W. (2011). Baguio City Night Life. WordPress
"Ang mga nakakuyom na tinig ng sining sa lansangan."
By Jomar Abellare and Ren Argana
March 16, 2025
Sa Baguio, kung saan ang malamig na simoy ng hangin ay sumasabay sa buhay na buhay na paligid, matatagpuan ang Session Road. Isang kalsadang hindi lang daanan ng sasakyan, kundi isang entabladong bukas para sa mga likhang gawa ng mga Pilipinong may talento sa sining. Dito, musika ang bumubuhay sa araw at sining ang nagbibigay kulay sa lansangan—pero paano nga ba naging daan sa pagpapakita ng talento at likhang sining ang kalsadang ito?
Sa kahabaan ng Session Road makikita ang iba’t ibang uri ng mga performer: mga musikerong tumutugtog ng instrumento, mga grupo ng mananayaw, at mga artist na gumuguhit, nagbebenta, at nagco-cosplay. Naging lugar ito upang maipakita ng mga lokal na artist ang kanilang sining sa masa lalo na sa mga panahong hindi sila gaanong nabibigyan ng atensyon at importansya. Ang mga kalsadang nagsisilbing canvas ay nagbigay daan din upang kanilang maipahayag ang kanilang mga sarili. Hindi lamang upang maipakita ang kanilang talento, kundi upang maisaboses ang kanilang mga pangarap at magbigay mensahe tungkol sa buhay at mga isyu sa lipunan.
Ano nga ba ang kahulugan ng "unplugged" sa konteksto ng Session Road?
Sa malawak na pananaw ang ibig sabihin ng salitang "unplugged" ay ang pagtanggal ng isang electronic device sa pagkakakabit o pagkakasaksak. Sa kabuuan, ang salitang ito ay konektado sa mga musikero at sa paggamit nila ng mga magagarbong instrumento. Pero sa konteksto ng artikulong ito, meron itong dalawang nais iparating. Una ay ang pag-disengage o pag-disconnect ng mga tao sa mga elektronikong kagamitan upang masilayan ang sining at talento na makikita sa daan at pangalawa ay ang pagpapahiwatig na hindi kailangan ng mga lokal na artist ng makabagong instrumento o mamahaling art materials upang gumuhit at magtanghal—isang kalsadang malinis, dingding na naghihintay mabigyang kulay, at daang puno ng kwento lamang ang kailangan nilang mapintahan at mabigyang buhay.
Sino sila?: Ang mga tinig na maririnig at talentadong artists ng Session Road
Ito ang ilan sa mga samot-saring sining na matatagpuan sa kahabaan ng makukulay na daan sa Session Road:
- Musika - Buskers, acoustic street performers, at mga bandang nagsisilbing tinig ng kalsada.

- Pagguhit - Chalk art at makukulay na artwork sa dingding o mural art ang kadalasang makikita sa parteng ito ng Baguio.


- Performance Art - Mga tradisyunal at modernong sayaw na nagpapamalas ng talento at kultura sa kahabaan ng daan.

- Cosplayers - Mga taong nagbibihis bilang mga popular na tv show characters o personalidad.
Video Source: @leafy_captures/TikTok
Ngunit sa kabila ng pagiging buhay na museo ng sining at kultura ng Session Road, hindi lahat ng tao ay pabor dito. Maraming artist ang nakakaranas ng:
- Lack of recognition - Isa sa mga bagay na nararanasan ng maraming lokal na artist sa ating bansa ay ang pagiging underappreciated o lack of recognition. Dahil sa panahon ngayon, mas binibigyang pansin ng masa ang mga internasyonal na artist at artworks na nagiging dahilan upang hindi magkaroon ng sapat na pagkilala at pagtangkilik sa sariling atin.
- Censorship - Ayon sa report ni De Vera (2023) mula sa rappler, “Journalists and local artists are up in arms against Baguio City’s new policy prohibiting chalk art with political undertones at Session Road on Sundays, saying this infringes on freedom of expression.”. Pinagbabawalan ang mga sining na may pasaring sa politika. Ito ay malinaw na nagpapakita ng konsepto ng censorship.
- Regulasyon at Permit Issue - May mga limitasyon at polisiya na dapat sundin ang mga lokal na artist katulad ng pagrehistro sa kung sino ang pwedeng magtanghal sa pampublikong lugar (Fulgencio, 2024).
Nangyayari ang mga isyung ito dahil nais ng mga awtoridad na magkaroon ng kaayusan at polisiya sa pagpapamalas ng sining sa kalsada. Gayunpaman, marami ang dismayado sapagkat sa tingin nila, ilan sa mga regulasyong ipinatupad ay hindi patas at hindi makatarungan. Sa iyong palagay, dapat bang makaranas ng censorship ang mga artist at malimitahan ang kanilang mga ideya at execution sa paggawa? Patas lamang ba ang mga regulasyong ipinapataw ng mga awtoridad at sapat na ba ang suportang ibinibigay natin sa kanila?
Marapat na pag-isipan at pag-usapan ang mga ito dahil kapag narinig mo ang Session Road, malamang ang unang papasok sa isip mo ay traffic, food trip, at shopping. Pero kung lalampas ka sa usual na impresyon, makikita mong may mga isyung kinakaharap din ang mga artist at entertainers na nandirito.
Kaya’t sa susunod na mapadaan ka sa Baguio, huwag lang dumiretso sa pupuntahan mo. Tumingin sa paligid, pakinggan ang musika, at namnamin ang sining sa kalsada. Dahil minsan, ang pinakamagandang obra ay hindi nakasabit sa dingding o makikita sa museo kundi, madadaanan mo mismo, naghihintay lamang na mabigyang pansin at pahalagahan ng mga tao.
References:
Artists paint a mural along Session Road in Baguio City on Saturday, as part of the Ibagiw Festival 2020 otherwise known as the Baguio Creative City Festival. (2021, November 20). Philippine Star. https://www.facebook.com/share/p/12ECJa29hZF/
Baguio City News (2022, July 22). Baguio City buskers may soon need to secure a permit if this ordinance is approved. Baguio City Guide. https://baguiocityguide.com/baguio-city-buskers-may-soon-need-to-secure-a-permit-if-this-ordinance-is-approved/
Casem, W. (2011). Baguio City Night Life. WordPress. https://images.app.goo.gl/hMwAEt8kuxqu6VGK8
De La Cruz, C. (2019). Baguio City to Fill Session Road With 1,000 Works of Chalk Art. Spot Philippines. https://www.spot.ph/arts-culture/the-latest-arts-culture/80203/baguio-city-chalk-art-brigade-every-sunday-a833-20191213
De Vera, S. (2023, May 12). Baguio media, artists slam ‘censorship’ in Session Road Sunday chalk art. Rappler. https://www.rappler.com/philippines/luzon/journalists-artists-protest-baguio-city-policy-sunday-session-road-chalk-art/
Fulgencio (2024, May 4). Mga street performer, bawal muna sa Session Road sa Baguio. Frontline Pilipinas Weekend. https://youtu.be/L1-kwqW6gn0?si=uMhC9-yeZMCI2UPk
Gabriel-Galban, J. (2024, February 24). Lucban, Tribu Rizal win in Panagbenga parade. GMA Regional TV. https://www.gmanetwork.com/regionaltv/features/100659/lucban-tribu-rizal-win-in-panagbenga-parade/story/
leafy_captures (2022, December 2). Cosplayers of session road Baguio. https://vt.tiktok.com/ZSMbVyjoc/
🇵🇭🥜