Mga Bagong Mukha Sa Politika: Ang Pagiging Panatiko Ng Mga Botanteng Pilipino

Image Source: Willie Revillame Facebook Page (2025)

By Jervie Masibag & Quinn Villanueva
March 16, 2025

Sa mundong ginagalawan natin, kung saan ang mga artista ay tila mga diyos-diyosan, at ang politika ay isang larangan ng kapangyarihan at impluwensiya, may isang katanungan na bumabagabag sa isipan ng marami: Ano nga ba ang papel ng mga artista, content creators at influencers sa poltika? Lalo na yaong mga tila ba bigla na lamang sumulpot sa eksena, na may dala-dalang pangako ngunit palaging napapako dahil sa kakulangan sa karanasan—handa na ba silang mamuno? May kakayahan ba silang iwanan ang mundo ng showbiz para sa mas komplikadong mundo ng politika?

Ang sistema ng Politika

Ang politika, sa pinakasimpleng salita, ay ang paglalaban-laban para sa kapangyarihan at impluwensiya, ang proseso sa paggawa ng desisyon sa isang lipunan. Sa Pilipinas, ito ay isang larangan na puno ng kulay at drama, na kadalasang may halong korapsyon at pagnanakaw. Isang larangan na pinaglalabanan ng mga taong may iba't ibang interes at ideolohiya. Mula sa mga partido, hanggang sa mga indibidwal na politiko.

Ang sistema natin ay isang demokrasya kaya naman ang kapangyarihan ay nasa ating mga kamay. Lahat ng mamamayan ay nagnanais ng magandang buhay at maliwanag na kinabukasan, ngunit ang  pagsasakatuparan nito ay mahirap sapagkat ang ating pagdedesisyon ay naaapektuhan ng ating mga emosyong pinaglalaruan ng mga kandidatong nagbabalak umupo, ngunit walang planong tumulong.

Ano ba ang requirements?

Upang maging isang kandidato sa Pilipinas, kailangan mong matugunan ang ilang mga pamantayan. Kailangan mong maging isang rehistradong botante, may sapat na gulang, at may kaukulang edukasyon. May mga partikular na kinakailangan din depende sa posisyong iyong tatakbuhan. Ngunit, sapat na ba talaga ang mga pamantayang ito? Hindi na ba kailangan na baguhin o dagdagan? Ang kababawan ng mga pamantayang ito ay nagiging butas  para sa mga tumatakbo sa politika na wala naman talagang kaalam-alam sa kanilang ginagawa.

Madali mang mag-file ng certificate of candidacy, ang pagtupad sa mga kwalipikasyon na ito ay hindi garantisadong pagkapanalo sa pwesto. Ang popularidad na madalas na nakukuha sa pamamagitan ng pagiging artista, content creator, o influencer, ay maaaring maging isang malaking tulong sa kampanya ng isang aspiring na politiko. Ngunit ang kanilang kakulangan sa karanasan sa politika at pag-unawa sa mga komplikadong isyu ay maaaring maging sanhi ng problema at kapahamakan sa oras na maluklok sila sa kanilang tinatamasang posisyon.

Ano ba ang requirements?

Tradisyunal na Politika - nakabatay sa mga personal na koneksyon at patronage.

Image Source: Business World (2021)
Image Source: Business World (2021)
  • Modernong Politika - Gumagamit ng mga bagong teknolohiya at strategy sa pagkakampanya.
                                                   Image Source: GMA Integrated News  (2025)
Image Source: GMA Integrated News (2025)

Ang Mga Bagong Tumatakbo

Tila ba trend sa mga public figure ang pagtakbo sa politika. May mga dating artista, mga sikat na content creators, at influencers na sumasabak sa labanan at pagkakampanya. Ang pagtakbo ng mga ito ay maaaring magdulot ng pagbabago, ngunit kailangan din nilang harapin ang mga isyu sa mundong pilit nilang tinatahak. Maraming botante man ang madaling matukso sa pagsuporta sa mga personal na paborito, mayroon pa ring mga taong mulat at may rason sa pagboto. Ibig sabihin, ang tagumpay ng mga bagong mukha sa politika ay hindi lamang nakasalalay sa kanilang popularidad, kundi sa kanilang kakayahan na maglingkod sa bayan nang may integridad at husay. Ang tanong, sila ba ay tunay na handa para sa responsibilidad na papatong at matagal na mananatili sa kanilang mga balikat? Baka naman ibulsa rin nila ang sagot sa problema ng mga mamamayang matagal nang naghihirap?

Image Source: ABS-CBN News (2024)
Image Source: ABS-CBN News (2024)
Image Source: InquirerNet (2024)
Image Source: InquirerNet (2024)
 Image Source: Philstar News (2024)
Image Source: Philstar News (2024)

Kaya naman, maraming humahadlang sa pagpasok ng mga influencer at artista sa larangan ng politika. Ito  ay nagpapakita ng isang kagimbal-gimbal na pagbabago sa landscape ng halalan sa Pilipinas.  Ang pagtakbo ni Willie Revillame, Diwata Balbuena, Philip Salvador at iba pang personalidad ay nagbubukas ng bagong talakayan hinggil sa representasyon at pakikilahok sa pampublikong serbisyo. May mga taong naniniwala at sumusuporta sa kanila, ngunit mahalagang pag-isipan din ang kanilang kredibilidad at ang kanilang kaalaman sa mga usaping pampolitika. Ang pagiging popular ay hindi sapat na basehan para maging isang mahusay na pinuno.  Ang kanilang mga motibasyon at plataporma ay kailangang masuri upang matiyak na tunay silang naglalayong maglingkod sa bayan.

Ang pagpasok ng mga influencer sa politika ay nagbubukas ng mga bagong tanong at hamon.  Kailangan nating obserbahan kung paano sila makakaapekto sa mga patakaran, at sa kalagayan ng mga Pinoy na nasa laylayan.  Sa huli, ang pagpili ng mga mamamayan ang magiging susi sa pagtatagumpay ng mga bagong mukha sa politika kaya ang pagboto ay isang responsibilidad na hindi basta-basta.

Mabuting puso > Kredibilidad 

Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang pagtakbo ni Rosmar Tan, isang influencer, bilang konsehal sa Maynila at ito ay nagpapakita ng isang bagong trend sa politika, kung saan ang mga influencer ay naglalayong magamit ang kanilang plataporma sa social media para maglingkod sa bayan.

Ang paggamit ng social media ay nagbibigay ng pagkakataon sa kanila na maabot ang mas malaking madla at makaimpluwensya sa mga boto ng tao.  Ang kanilang pagiging kilala ay maaaring magsilbing pundasyon para sa kanilang mga kampanya. Ang paggamit ng social media ay kanilang nagiging estilo sa pagkuha ng puso ng mamamayang Pilipino.

Ngunit, pagdating kay Rosmar, maraming nagtatanong kung ang kaniyang karanasan sa social media ay magiging sapat na para sa pagiging isang konsehal.  Mahalaga ang kaniyang plataporma at mga plano para sa distrito para masuri kung kaya niyang magbigay ng epektibong representasyon at serbisyo sa mga mamamayan ng Maynila.

Maraming netizen ang nagkaroon ng samo’t saring komento ukol sa pagtakbo ng nasabing influencer.

Hindi maikakailang ang pagtakbo ng mga ito sa politika sa Pilipinas ay nagdudulot ng pagbabago. Para sa ilan, ito’y oportunidad para gamitin ang kanilang malawak na internet platform sa pagpapalaganap ng mga adbokasiya. Halimbawa ay ang vlogger/entrepreneur na si Marc Gamboa. Ayon sa ABS-CBN News (2025) tumakbo bilang Senador si Gamboa dahil gusto niya na magkaroon ng batas laban sa fake news, at suportahan ang digital workers.

Image Source: ABS-CBN News (2025)
Image Source: ABS-CBN News (2025)

Ilan lamang ang mga pangalang ‘yan sa mga personalidad na tumatakbo ngayong halalan. Bakit kaya sila pinagkakatiwalaan ng publiko? Siguro’y maraming Pilipino ang naghahanap ng alternatibo sa tradisyunal na politika na walang nagawang pagbabago para sa kanila. Karamihan kasi sa mga nauna at ngayo'y nakaupo sa pwesto ay mga taong mayaman at may impluwensya kaya naman hindi naranasan ng mga ito ang hirap ng buhay ng mga karaniwang mamayan sa Pilipinas. Dito pumapasok ang mga influencer na nagsasabi na sila ay “mas nakaka-relate” dahil sa kanilang pagkonekta sa masa sa social media. Marami rin sa mga ito ang noo’y lugmok din sa kahirapan pero umasenso dahil sa pagsisikap. Kaya naman, patuloy nilang idinidiin na kaya nilang maghatid ng pagbabago, dahil sila mismo ay natamasa ito.

Sa Politika, huwag maging Panatiko

Mga sikat at kilalang mukha na ngayon ang  tumatakbo sa politika.  Bagama't nakaka-intriga ang pagpasok nila, mahalagang mag-isip nang mabuti kung kaya ba nilang maglingkod nang maayos sa masa.  Ang ilang mga artista, content creators, at influencers ay maaaring mayroong tunay na interes sa pagkamit ng pagbabago at pagtulong sa bayan, pero kailangang tingnan natin kung gaano sila kaalam sa mga usaping pampolitika.  Dapat din nating isaalang-alang kung ang pagtakbo nila ay para sa pansariling interes o tunay na pagnanais na maglingkod sa mga mamamayan. Nananatiling mahalaga ang pagkilatis ng publiko sa kredibilidad at plataporma ng mga kandidato, ano man ang kanilang pinagmulang larangan. Sa huli, ang pagboto ay isang malaking responsibilidad, kaya dapat nating piliing mabuti ang mga taong nais nating mamuno. Sabi nga sa kanta, Dapat tama, sa isip, sa salita, at sa gawa. Sabay-sabay nating itama ang mali, upang ang Pilipinas ay tuluyan nang makabangon muli.

References:

Anjo B. (2024, October 1) Rosmar Tan files COC for Manila councilor. ABS-CBN News. https://www.abs-cbn.com/news/2024/10/1/-kailangan-ng-tunay-na-pagbabago-rosmar-tan-files-coc-for-manila-councilor-1557

Bronte H. L. (October 13, 2021).  Social media will not replace traditional campaigning methods. BusinessWorld. https://www.bworldonline.com/thenation/2021/10/13/403234/social-media-will-not-replace-traditional-campaign-methods-political-analysts/?amp

Cristina C. (2024, October 3) Action star Phillip Salvador files candidacy for senator. Philstar Global. https://www.philstar.com/headlines/2024/10/03/2389054/action-star-phillip-salvador-files-candidacy-senator/amp/

Sherilyn U. (March 20, 2025) Digital Campaigning elections in 2025. GMA Integrated News https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/939957/digital-campaigning-in-eleksyon-2025-limitations-penalties-what-you-need-to-know/story/

HARAPAN 2025: Marc Gamboa with Zen Hernandez (2025, February 28). ABS-CBN News. https://www.youtube.com/watch?v=cLy2YQi0iJA

Kelsey T. (2024, October 3). ‘Lord, patawad’: Why influencer Rosmar’s Manila councilor bid is gaining buzz. Interaksyon. https://www.abs-cbn.com/news/2024/10/1/-kailangan-ng-tunay-na-pagbabago-rosmar-tan-files-coc-for-manila-councilor-1557

Mendoza, J. E. (2024, October 2). Diwata files intention to run for party-list representing vendors. INQUIRER.net. https://www.inquirer.net/414979/diwata-files-intention-to-run-for-party-list-representing-vendors/

Revillame, W. (2025, March 25). MAYNILA, NANDITO NA SI KUYA WIL!!. Willie Revillame Facebook Page. https://www.facebook.com/share/p/18vKcajizX/

Rosmar Tan withdraws Manila councilor bid (2025, January 30). INQUIRER.net. https://www.youtube.com/watch?v=CqIoc9YXahs

Anong masasabi mo sa usaping ito?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top