FAITH IT ‘TILL YOU MAKE IT: ANG PAGIGING RELIHIYOSO NG MGA PINOY SA MAKABAGONG MUNDO
Image Source: Lopez, E., as cited in Manalo, R., 2021
By Charity Cumpa and Jaysel Hilario
April 12, 2025
Mula sa unang yugto ng kasaysayan ng mga tao, ang relihiyon ay isa ng mahalagang bahagi ng ating pamumuhay. Bago pa man naisulat ang ating mga batas at naitatag ang mga estado, naroon na ang paniniwala ng mga tao sa mas mataas na kapangyarihan, sa mga espiritu, at sa mga puwersang hindi maipaliwanag ng simpleng kaisipan. Nagsimula ang relihiyon sa tanong, sa paghahanap, at sa mga nais magkaroon ng koneksyon sa isang dakilang pinagmumulan ng lahat.
Sa kulturang Pilipino, ang pananampalataya ay malalim na nakaugat sa ating pagkatao. Mula sa paniniwala ng ating mga ninuno sa mga diyos at espiritu ng kalikasan, hanggang sa pagdating ng mga dayuhan na nagpakilala ng bagong relihiyon, naging bahagi na ito ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan. Ang mga pista para sa mga patron, ang debosyon sa Nazareno, ang paggunita ng Mahal na Araw, at ang masayang pagdiriwang ng Pasko ay patunay ng matibay na ugnayan ng relihiyon at kulturang Pilipino. Sa araw-araw, ang ating pananalig ang nagsisilbing gabay sa ating mga desisyon, pagkilos, at pakikitungo sa kapwa.
PISTA NG MGA PATRON

DEBOSYON SA NAZARENO

MAHAL NA ARAW

PASKO

Habang lumilipas ang mga henerasyon, ang relihiyon ay hindi lamang naging sagot sa mga tanong ng puso at isip kundi naging pundasyon ng kultura, batas, at moralidad. Ito’y naging gabay sa pamumuhay, sa paghubog ng pamilya, at sa pagtatayo ng mga lipunan. Sa bawat dasal, ritwal, at aral, unti-unting naipasa ang relihiyon mula sa isang henerasyon patungo sa susunod, hanggang sa ito’y naging matibay na bahagi ng ating pagkatao.
PANINIWALA WITH A PURPOSE
Ang relihiyon ay bumuo ng mga komunidad, mga taong nagtutulungan at pinapalaganap ang kabutihan sa abot ng kanilang makakaya dahil marami itong natuturong aral at nagsisilbi itong patnubay sa karamihan. May bunga ang pagiging relihiyoso at mga sumusunod ay ilan sa mga halimbawa.
1. Gabay sa Pagkakaroon ng Tamang Asal
- Para sa lahat ng tao, ang relihiyon ay nagsisilbing paalala kung ano ang tama at mali. Sa pamamagitan ng mga aral ng pananampalataya, natututo silang kumilos ng may malasakit, respeto, at disiplina. Hindi lamang ito tungkol sa pagsisimba o pagsunod sa mga utos—ito ay paraan ng pamumuhay.
2. Pinagmumulan ng Pag-asa at Katatagan
- Kapag dumadaan sa problema ang isang kabataan—sa pamilya, paaralan, o personal na buhay—ang relihiyon ay nagsisilbing sandalan. Sa panalangin, nakahahanap sila ng kapanatagan. Sa komunidad ng pananampalataya, nakakahanap sila ng suporta at pagkakaibigan.
3. Pagtuturo ng Pagmamalasakit sa Kapwa
- Maraming religious youth groups ang aktibo sa pagtulong. Tulad ng pagsasagawa ng feeding programs, tree planting, mental health talks, at outreach programs sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, natututo ang mga kabataan na hindi lang para sa sarili ang buhay—kundi para rin sa kapwa.
Noon, ang relihiyon ay sentro ng buhay ng maraming tao—bawat desisyon, kilos, at paniniwala ay kasama nila ang kanilang pananampalataya. Halos lahat ay nagsisimba, nagdarasal, at sumusunod sa mga aral ng simbahan. Pero sa paglipas ng panahon, unti-unti ring nagbago ang takbo ng isip ng mga tao. Ngayon, mas mapapansin natin na bukas na ang isipan ng karamihan. May iba na hindi na aktibo sa relihiyon, pero naniniwala pa rin sa Diyos. Yung iba naman, spiritual pero hindi na sumusunod sa nakasanayang tradisyon. Nandiyan na rin ang influence ng internet, social media, at modernong kultura na nagdadala ng mga bagong tanong at paniniwala.
Sa kabila ng lahat ng ito, nananatili pa rin ang relihiyon bilang gabay ng marami—nag-iiba lang ang paraan kung paano ito isinasabuhay.
Ang Teknolohiya: Isang Bagong Paraan ng Pagkonekta sa Panginoon
Sa mabilis na pag-unlad ng makabagong teknolohiya, nagkaroon tayo ng bagong paraan ng paglapit sa Diyos. Ang mga kasanayan sa relihiyon na dating limitado lamang sa mga tradisyunal na gawain ay pinalawak at pinadali ng digital na ebolusyon. Maaari na ngayong makakuha ng ordinasyon online ang mga indibidwal upang mangasiwa ng kasalan, at ang mga smartphone applications tulad ng Bible App ay nagbibigay ng mas madaling access sa mga banal na kasulatan para sa mga Kristiyano. Ang mga makabagong teknolohiyang ito ay nagbibigay-daan sa mas malawak at mas personal na koneksyon sa ating pananampalataya—hindi na limitado sa oras o lugar, nagiging posible na ito kahit saan at kahit kailan.
Habang may mga nag-aalala na ang teknolohiya ay maaaring magpahina sa ating pananampalataya, may mga nagsasabing ito ay nagiging malaking dulot sa pagbabagong anyo ng relihiyon. Hindi ito nangangahulugang ang relihiyon ay humihina, kundi ito ay nagiging mas bukas at mas accessible sa bawat isa. Ang teknolohiya ay hindi lamang nagsisilbing tool, kundi isang bagong daan upang mas mapalapit tayo sa Diyos at sa ating mga espiritwal na layunin.
Sa paglaganap ng impormasyon, nagkakaroon tayo ng pagkakataon na mas mapalalim ang ating pananampalataya at umangkop sa pagbabago ng panahon. Bagama't may mga nag-aalinlangan kung ang pag-unlad ng teknolohiya ay salungat sa mga tradisyunal na pananaw sa relihiyon, hindi maikakaila na ito ay nagiging isang mahalagang bahagi ng modernong espiritwalidad.
Ang makabagong teknolohiya ay nagiging isang hakbang patungo sa isang bagong anyo ng relihiyon—isang anyo na mas demokratiko at mas nakatuon sa personal na karanasan ng bawat isa. Ang online na simbahan at iba pang digital na pagsamba ay nagpapakita ng pagbabago sa ugnayan ng tao sa Diyos, kung saan hindi na ang mga istruktura ng relihiyon ang namamayani, kundi ang indibidwal na koneksyon at pananampalataya. Ang teknolohiya ay nagiging tulay upang mapantay-pantay ang espiritwal na karanasan ng bawat isa, anuman ang relihiyon o estado sa buhay.
Ang teknolohiya ay opsyon lamang ng isang relihiyoso upang kumunekta sa panginoon sa gitna ng mahirap na daloy ng buhay. Malaki ang ambag nito sa paglago at pagpapatibay ng isang paniniwala, ngunit nasa atin pa rin and desisyon kung gagamitin ito. Ang importante ay may katotohanan ang pananampalataya at ang kagustuhang mapalapit sa maykapal.
Ang Mga Hamon ng Pananampalataya sa Makabagong Panahon
May mga hamong kinakaharap ang mga tao, maging ang mga miyembro ng komunidad ng relihiyon patungkol sa kanilang relasyon sa panginoon at sa kanilang pananampalataya. Tulad ng:
- Paglayo sa relihiyon - Maraming kabataan ang nawawalan ng koneksyon sa relihiyon dulot ng mga issues tulad ng pagiging judgmental ng mga relihiyosong komunidad at kakulangan ng personal na karanasan sa mga aral at turo ng pananampalataya.
- Tradisyon at Modernidad - Ang iba ay nahihirapan sa paghahanap ng balanse sa pagitan ng mga tradisyonal na turo ng relihiyon at ang modernong pananaw ng lipunan, kaya nagiging sanhi ito ng kalituhan at pag-aalinlangan.
Sa kabila ng mga hamon, ang pananampalataya ay may kakayahang magbigay ng liwanag at pag-asa, basta't ito'y isinasabuhay nang tapat at may katotohanan.
Repleksyon sa Relihiyon
Malaki ang impluwensya ng relihiyon at ng Panginoon sa katangian at kaugalian ng bawat tao. Sa bawat kilos, paniniwala, kultura, at iba pa, ang relihiyon ay repleksyon ng ating kaugalian at kabutihan. Sa relihiyon, malalaman kung gaano katibay at katatag ang paniniwala at pananampalataya nating mga Pilipino sa hirap at ginhawa ng buhay.
Matagal nang namamayani ang relihiyon sa buhay ng lahat ng tao sa iba't ibang panig ng mundo, may mga suliranin man itong kinakaharap dahil sa pabago-bagong pananaw at panahon, siguradong patuloy itong maghahari sa puso at isip ng maraming Pilipino.
References:
ANG PISTA NG MGA PATRON (2019, September 06).
Blogspot. https://good-news-expose.blogspot.com/2019/09/ang-pista-ng-mga-patron.html
Benign0 (2018, January 04). The annual Quiapo Church Black Nazarene fiesta (Traslacion) and Filipinos' fascination with crowding. Getrealphilippines.
https://www.getrealphilippines.com/2018/01/annual-quiapo-church-black-nazarene-fiesta-traslacion-filipinos-fascination-crowding/
Crim, D. (2018, January 01). Pasko sa Pilipinas. Fil-Am Voice.
http://filamvoicemaui.com/pasko-sa-pilipinas/
Manalo, R. (2021, March 25). A Look at 500 Years of Christianity in The Philippines - and Counting!. Catholic Review. https://catholicreview.org/a-look-at-500-years-of-christianity-in-the-philippines-and-counting/
Moriones Festival: Marinduque’s Masked Spectacle (2023, April 1). Hicaps. https://hicaps.com.ph/moriones-festival/