Tulog sa Umaga, Gising sa Gabi: Ang Call Center Agents ng BPO industry sa Pilipinas
Image Source: Bacani, X. C. (2021). Empathetic Robots Are Killing Off the World’s Call Center Industry. Bloomberg Businessweek
"Ano ang unang naiisip mo kapag naririnig mo ang mga salitang “BPO” o “call center”?—Night shift? English speaking? Malaking sahod? Ilan lamang ‘yan sa mga kadalasang assumption ng karamihan pagdating sa industriyang ito. Ngunit ano nga ba ang katotohanang kinakaharap ng mga Pinoy na nakikipagsapalaran sa mundo ng call center o business process outsourcing (BPO) industry?"
By Altea Mora, Kristine De Mesa, and Remo Nicdao
March 29, 2025
Ano ang unang naiisip mo kapag naririnig mo ang mga salitang “BPO” o “call center”?—Night shift? English speaking? Malaking sahod? Ilan lamang ‘yan sa mga kadalasang assumption ng karamihan pagdating sa industriyang ito. Ngunit ano nga ba ang katotohanang kinakaharap ng mga Pinoy na nakikipagsapalaran sa mundo ng call center o business process outsourcing (BPO) industry?
Ang Industriya ng BPO sa Pilipinas
Ang BPO o Business Process Outsourcing ay isang proseso kung saan nagtatrabaho ang isang kumpanya para sa isang kliyente. Sa madaling salita, ang BPO ay third-party na nagkokonekta sa mga kumpanya sa kanilang customers. Ang BPO ay nagbabawas ng cost ng mga kumpanya para kumuha ng mga tao na magtatrabaho sa kanila. May dalawang klase ang BPO, Ang back-office at front-office BPO.
- Back-office ang tawag sa mga IT, HR, accounting, payroll, at mga tao na nagtatrabaho sa loob ng kumpanya na hindi humahawak ng customer.
- Front-office naman ang tawag sa mga ahente, Team Leader, Operations Manager, at mga tao na nasa loob ng kumpanya na hinahawakan ang mga customer.
Paano ito nagsimula?
Taong 1992 noong unang nagsimula ang Accenture sa ganitong larangan bilang unang kumpanya na nagtayo ng BPO sa Pilipinas. Isa rin sa nagtayo ng BPO sa ating bansa ang Sykes, na kilala ngayon bilang Foundever. Naging laganap ang industriyang ito dahil mas mura ang ating services kumpara sa mga overseas representatives kaya ‘di rin nagtagal at dumami na ang mga kumpanya sa Pilipinas sa larangan ng business process outsourcing tulad ng Alorica, Concentrix, Teleperformance, at Afni. Maraming Pilipino na rin ang nagkakaroon ng trabaho at nakaahon sa kahirapan dahil sa mga oportunidad sa employment na ibinibigay ng mga kumpanyang ito.
Ngunit walang trabahong madali at walang tagumpay na hindi pinagsusumikapan. Lalo na sa ating mga Pinoy na humaharap sa iba't ibang hamon sa buhay. Madalas, ang pagkakaroon ng trabaho ang sagot sa problema ng kahirapan at paghihikahos ngunit ideyal bang pasukin ang industriya ng call center para sa kaginhawaan at pagtigil ng mga unos?




Ang mga hamong kinakaharap ng mga call center agent
“The Philippines obtained the second worst work-life balance score among 60 countries analyzed in the latest report of a global human resource services firm” (Philstar, 2024).
Kung usapang BPO, nangunguna ang problema sa work-life balance ng mga empleyado nito. Karamihan sa mga BPO companies ay nagha-handle ng mga kliyenteng mula sa ibang bansa. Habang ang mga empleyado ay dilat at wala pang tulog, ang mga tawag ay nagsisidatingan pa lamang kasabay ng pagsikat ng araw sa kabilang dako ng mundo. Night shift? check.
Ang schedule na ito ay nagiging malaking sagabal sa normal na pamumuhay ng mga empleyado. Ang tulog na dapat ay ginagawa sa gabi ay binabawi tuwing umaga, at ang mga aktibidades na dapat gawin sa umaga ay pinagkakasya sa kakarampot na oras na natitira sa kanila.
Malaki rin ang kontribyusiyon nito sa mga problemang pangkalusugan. Naaapektuhan nito ang physical, mental, at emotional health ng mga empleyadong nagtatrabaho sa ganitong schedule.

“Sleep deprivation causes irritability and fatigue and interferes with memory and focus resulting in impaired reaction time, judgement and vision. The more the sleep debt, the greater the adverse health effects such as weight gain, heart disease, diabetes, and even stroke” (Cheriyedath, 2020).
‘Yan ay ilan lamang sa mga pisikal na karamdamang maaring indahin ng isang call center agent na maari pang maging sanhi ng mas malalang sakit sa katagalan. Depression, anxiety, FOMO, stress, at marami pang iba ang mga isyu na maari nilang matamo sa pagpasok sa trabahong ito araw-araw.
May mga kinakaharap ding stigma ang mga call center agent. Gaya na lamang ng panghuhusga na karamihan sa kanila ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral o kaya naman ay naipit sa konsepto ng job mismatch. Marami ang nag-aakalang ang kaalaman sa pagsasalita ng english lamang ang kailangan upang makapasok dito dahilan upang maging mababa ang tingin ng lipunan sa mga taong nagtatrabaho sa call center companies.
English speaking? Check. May katotohanan na malaking tulong ang english speaking skills sa pagtatrabaho sa BPO industry. Gayunpaman, maraming sakripisyo ang kailangang pagdaanan at maraming skills ang dapat matutunan ng mga nagnanais pumasok sa industriyang ito.
Nariyan din ang mga paratang na talamak ang third party issues sa pagitan ng mga empleyado. Inaakala ng karamihan na ang call center ay lugar kung saan tinotolerate ng mga kapwa empleyado ang kasamahan nila na gumawa ng kasalanan sa kanilang kabiyak. Hati ang sagot ng mga tao sa paratang na ito. May mga nagsasabi na nangyayari ang cheating sa lahat ng industriya ng trabaho at mayroong ding nagkwento ng sarili nilang karanasan sa call center.


Isa rin sa kinaharap ng mga empleyado ang posibilidad ng aksidente sa labas ng kanilang kumpanya. Madalas silang nagiging biktima ng holdap at mga hit-and-run cases sa kalsada dahil sa late na oras ng pasok nila sa trabaho. Nitong ika-25 ng Marso ngayong taon, isang BPO agent ang nasawi dahil sa hit-and-run accident. Hindi maiiwasan na sa ganitong mga kaso nabibiktima ang mga kababayan nating call center agent.
Pangarap o Praktikalidad?
Samakatuwid, Ang pagiging call center agent ay hindi madali. Ito ay tila isang test na nagsusuri kung hanggang saan ang kayang isakripisyo ng isang tao upang magpatuloy ang daloy ng kaniyang buhay at daan sa hinaharap. Malaking sahod? Depende ’yan sa estasdo ng emplayado. Mas mataas ito kumpara sa ibang propesyon ngunit kadalasan, hindi ito sapat. Lalo na kung ang kapalit ay buhay, oras, at tunay na kasiyahang mahirap matamo sa magulong kasalukuyan.
May karanasan ka ba sa call center? Nais mo bang pasukin ang inustriyang ito? Sabi nila ang unang hakbang sa pagtamo ng pangarap ay ang magkaroon nito at ang pagpili ng daang lalakaran ay palaging nasa kamay ng taong sasabak dito. Ang daan sa industriya ng BPO ay matarik ngunit praktikal, madalas ay malayo sa daang pinapangarap puntahan kaya ang desisyon pa lamang na tumungo rito ay isa ng malaking yapak ng pagsubok na umahon at maging Pilipinong may propesyong marangal na marapat lamang na sinasaludo’t tinitingala.
References:
Aquino, J. S. (2020, October 30). Teleperformance Philippines unveils first business site in Cavite. Blog-Ph.com. https://www.blog-ph.com/2020/10/teleperformance-philippines-unveils.html
Aquino, L. (2025, March 26). Call center agent, patay matapos ma-hit-and-run sa Novaliches. ABS-CBN News. https://www.abs-cbn.com/news/nation/2025/3/26/call-center-agent-patay-matapos-ma-hit-and-run-sa-novaliches-2105
Ayeng, R. (2024, April 13). Afni unveils new site in Laguna. Daily Tribune. https://tribune.net.ph/2024/04/13/afni-unveils-new-site-in-laguna
Bacani, X. C. (2021). Empathetic Robots Are Killing Off the World’s Call Center Industry. Bloomberg Businessweek. https://www.bloomberg.com/news/articles/2021-03-16/artificial-intelligence-chatbots-threaten-call-center-industry-human-operators
Cheriyedath, S. (2020, Jan 21). What Does Staying up all Night and Sleeping all Day do to the Body?. News Medical. https://www.news-medical.net/health/What-Does-Staying-up-all-Night-and-Sleeping-all-Day-do-to-the-Body.aspx
Gallimore, D. (2018, November 5). Alorica continues expansion in Philippines and Japan. Outsource Accelerator. https://news.outsourceaccelerator.com/alorica-continues-expansion-in-philippines-and-japan/
Pinoy, P. (2023, April 14). Top Philippine Call Centers Deluged With Job Applications!. The Adobo Chronicles. https://adobochronicles.com/2023/04/14/top-philippine-call-centers-deluged-with-job-applications/
Soriano, P. N. (2023, July 17). AI tools spark anxiety among Philippines’ call center workers. Rest of the World. https://restofworld.org/2023/call-center-ai-philippines/
Work-life balance index: Philippines ranks 59th of 60 countries (2024, July 18). Philstar. https://www.philstar.com/business/2024/07/18/2371115/work-life-balance-index-philippines-ranks-59th-60-countries