Trumpo Kid vs IPad Kid in a Room: Ang Diwa ng mga Larong Pinoy sa Bagong Henerasyon
Image Source: Casem, W. (2011). Baguio City Night Life. WordPress
By Jomar Abellare and Ren Argana
March 16, 2025
Ang sportsmanships ay hindi lamang para sa mga local o world tournament,
Ang maiba ay taya sa larong habol-habulan at ang unang makapagpatumba ng lata ay siyang panalo sa larong tumbang preso. Ito ay iilan lamang sa mga larong kalye na madalas na ibinibida ng mga batang 2000s, lalo na ng mga 90’s kids.
Sa paglipas ng panahon, unti-unting nadadagdagan ang mga larong pampalipas oras ng kabataan, maski ang mga young at heart ay siyang nakikisabay, hanggang sa tumuntong ang makabagong mundo kung saan laganap ang teknolohiya at ang mga kabataan ay mas komportable nang manatili sa loob ng kani-kanilang tahanan.
Laro ng Lahi
Kilalang masiyahin, palangiti, at palahalubilo ang mga Pinoy, kaya naman maski ang isang dayuhan ay inaanyayahan na sumali sa mga larong panlansangan. Ang Traditional Filipino Games o Laro ng Lahi ay kadalasang nangangailangan ng maliliit na kagamitan upang malar, sa loob o labas man ng kabahayan (Kiddie, 2025).
Ang mga batang Pinoy ay maparaan, maski ang patapong kahon ng posporo o ng bagong selpon ay magagamit bilang lagayan ng gagamba o umang (Hermit Crab). Gagamitin ang lahat ng unan, kulambo, at kumot sa pagtatayo ng bahay-bahayan. Gayundin ang mga nagkalat na dahon, sirang kaserola, pinggan, baso, o sandok, bato, at kahoy para gamitin sa lutu-lutuan. Liksi ng katawan at matalas na atensyon sa patintero, luksong-baka at tinik, langit-lupa, bahay-kubo, ten-twenty, at marami pang iba larong nagbibigay buhay sa mga kabataan.
Ang mga larong Pinoy

- Patintero - isa sa mga klasik na laro ng kabataang Pilipino. May limang manlalaro sa dalawang grupo ang larong ito, isang taya at isang takas. Ang goal ng mga taya ay huwag hayaang makalusot sa dulo at pabalik ang mga takas. Kapag nakalusot ang takas sa isang zone ng patintero, ay mapupunta siya sa kabilang zone na kung saan may nagbabantay ulit.
Ang bawat linya ng patintero ay may nakabantay na taya. Kapag nakapunta na sa kabilang dulo ang takas, kailangan niyang makabalik sa kung saan sila nakapasok nang hindi nahahawakan ng taya. Kapag sila ay nahawakan ng kahit sinong taya, sila ay matatalo at magpapatuloy ang laro sa pamamagitan ng pagpapalit ng roles ng bawat grupo.

- Tumbang preso - Isa rin sa mga klasik na larong Pinoy. Dalawang gamit lang ang kailangan dito. Ang mga gamit na kailangan ay latang walang laman at tsinelas. Ang taya ay tatayo malapit sa lata, at ang mga manlalaro ay nakapwesto nang malayo sa lata. Madali lang ang laro, kailangang mapatumba ang lata upang mapalaya ang lahat ng sinubukang mapatumba ang lata. Kapag nakatumba ang lata, kailangang mapatayo ito ng taya sa pwesto nito para makapanaya siya ulit. Bawal umalis kapag nakatayo ang lata. Maaari, ngunit depende ito sa iyong lakas ng loob na hindi ka matataya ng taya. Kapag may nataya ang taya, siya na ang bagong tagapagbantay ng lata at magiging taya sa laro. May mga paraan pa upang makapanaya tulad ng dangkal lata at dangkal tsinelas. Dangkal lata ang tawag kapag ang kaliwa o kanang paa ng taya ay umabot sa pamato mo at ang isa niya pang paa sa lata. Dangkal tsinelas naman ang tawag kapag ang pamato mo ay malapit sa pamato ng iyong kalaro na naabot ng isang paa ng taya ang tsinelas ninyong dalawa sa kabila niyang paa.

- Dama - katumbas ito ng checkers sa ibang bansa, at isa rin sa mga klasik na larong Pinoy. Maari itong gawin sa dama o sa chess board. Madali lang itong laruin, kailangan mo lang ipwesto ang 12 pato sa itim na parte ng chess board at gumalaw diagonally papunta sa kalaban upang matalo ito.

- Ten-twenty - Mataas ka bang tumalon? Malamang ten-twenty ang larong para sa iyo! Dito, chinese garter at kakayahan sa pagtalon nang mataas lang ang kailangan. Pwedeng individual o grupo ang paglalaro nito. Kailangang isuot ng dalawang manlalaro ang garter at pumwesto nang magkaharap sa isa't isa habang tumatalon ang player na naglalaro. Pataas nang pataas ang garter na nagsisilbing levels ng ten-twenty. Isa ito sa mga nagpauso ng katagang “mother” dahil mother ang tawag sa mga manlalarong nagliligtas sa mga kakampi kapag hindi na nila kaya ang taas ng garter.

- Holen - isa sa mga kilalang laro sa Pilipinas ang holen. Katulad ito ng pogs at teks, ngunit iba ang laro nito. Kailangan mo lang ay ang mga jolens at kalaban, at maaari ka nang maglaro at mag-enjoy. Gumawa ng bilog sa lapag at maglagay ng bilang ng jolens na itataya mo. Kadalasan, pinagkakasunduan ito ng bawat isa bago maglagay. Kapag nakalagay na ang holen, gumawa ng linya malayo sa bilog, at simulan ang laro sa pamamagitan ng pag-target ng jolen sa loob. Kapag nakapagpalabas ka ng jolen sa bilog, iyo na ang nasabing jolen. Upang maamig mo naman ang lahat ng jolen sa loob, kailangan mong ubusin o talunin ang iyong mga kalaban sa pamamagitan ng pag-target sa pamato nilang jolen. Kapag nagtagumpay ka, iyo na ang lahat ng jolen sa loob, at tuloy ang laro.
Pinoy nostalgia
Sa pagbalik natin sa panahong 90s o 2012 o bakasyon ng Abril, sumisikat ang araw sa silanganan, mag-aalmusal ng pandesal, pritong itlog, at gatas sa hapag ang mga kabataang Pinoy at magpapaalam na sa nanay at tatay na magkikipaglaro sa kapitbahay o sa labasan.
“Maligo ka muna pagkatapos mo magwalis ng salas”, ani ng nanay dahil hindi ka maaaring payagan kung hindi mo muna susundin ang kaniyang mga utos. Pasado ika-pito (7) ng umaga nang matapos sa utos, kaya naman laking tuwa nang makalabas na ng bahay.
May grupo ng mga batang lalaking naglalaro ng trumpong ginuhitan gamit iba’t-ibang kulay ng pentel pen, mas makulay, mas maganda. Sa tapat pa ng tindahan ni Aling Dolores, para kapag kumalam ang sikmura ay bibili lang ng lumpia, kiss, at inuming Popcola. Sa di kalayuan ang mga batang kababaihang naglalaro ng chinese garter, dead mother, dead all ang labanan. Sa loob ng malawak na bakuran naman ni Aling Mirabel ay ang anak nitong bakla at tatlong kaibigang babaeng nagluluto-lutuan gamit mga halamang ligaw sa paligid, panghalo na manipis na tangkay ng puno (pwedeng punong mangga o sipres), at wiwisik-wisikan pa ng kaunting buhangin na animo’y final touch sa pagkain.




Aabutin ng ika-sampu (10) ng umaga at tatawagin na para sa pag-aasikaso ng tanghalian kasama ng ina, mga tiyahin, o lola. Maliligo muli dahil sa ‘amoy-araw’ na. Pagsapit ng ika-isa (1) ng hapon ay patutulugin ng isa hanggang tatlong oras, para daw mabilis kang lumaki. At sa pagdating ng dapit-hapon, muling gagamitin ang oras para magsaya kasama ang mga kalaro. Itutuloy ang lutu-lutuan, pustahan ng limang (5) piso sa larong text, trumpo, at pogs, at itutuloy ang kwento sa bahay-bahayan.
‘Yan ang routine ng mga batang Pinoy sa tradisyunal na panahon, babad sa araw at sanay makihalubilo sa ibang tao.
Ganyan talaga ang buhay
Ngunit lahat ng bagay ay lumilipas. Sa panahon ngayon, iba na ang uso sa mga kabataang Pinoy. Kung dati ay pawisan at ubod ng asim ang mga kabataan dahil sa paglalaro sa labas, ngayon, ang mga bata ay nananatili na lamang sa loob ng kanilang mga bahay. Hawak ang kanilang gadget at suot ang kanilang mga airpods.
Ang larong kilala nila ay ibang-iba sa mga larong kinalakihan ng mga kabataan noon. Mobile legends, Valorant, at roblox. Ilan lamang ‘yan sa mga sikat na laro sa makabagong panahon.

Hindi rin naman masisisi ang mga kabataan sa pagbabagong ito. May transisyon at mga dahilan kung bakit nangyari ang ganitong penomena. Mula sa mga larong tradisyunal, sumibol ang teknolohiya at lumabas ang mga offline games gaya ng Temple run, Pou, at Candy crush na talaga namang kinahiligan din ng mga batang Pinoy noon. Ngayon naman, sa online games namumulat ang mga kabataan.
Iba na rin ang panahon ngayon, sobrang init na sa labas at talamak na ang mga nangyayaring krimen kaya maraming magulang ang pinipiling hindi na lamang palabasin ang mga anak sa takot na may masamang mangyari sa mga ito. Sa ganitong paraan, mas mababantayan nila ang kanilang mga anak at masisigurado nila ang kanilang kaligtasan.
Walang ligtas sa panahon ngayon
Kung ang paglabas ay maaring magdulot ng pisikal na panganib, ang sobrang paggamit ng gadgets tulad ng ipad ay nakasasama naman sa mental at emosyonal na kalagayan ng isang bata. Maraming balita na ang lumabas patungkol sa mga ito at umusbong ang usapin patungkol sa mental health noong mga nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan. May masamang kontribyusiyon din ito sa pisikal na kalagayan ng mga kabataan dahil lagi na lamang silang nakahiga o nakaupo at hindi na nagiging aktibo ang kanilang katawan.
“Zain (2022)--The excessive usage of gadgets among children may affect their social skills. For example, they might become introverted and prefer being alone instead of talking to their friends. Moreover, when gadgets become part of their routine, it might also affect their health, causing joint pain, back pain, and eyestrain. Gadgets also might affect children’s speech development if they just focus on videos rather than communicating with their peers verbally.”
Kung iisipin, walang tunay na masisisi. Lahat ng tao ay nag-a-adapt lamang kanilang paligid. Nagkataon lang talaga na iba-iba ang naabutan nating panahon. May mga nais bumalik sa tradisyunal na paraan na paglalaro at mayroon namang mga kontento na sa kanilang mga gadgets. Sa dulo ng araw, Ang tunay na dapat pag-usapan at pag-diskusyonan ay ang kaligtasan ng mga kabataan, sa pisikal o mental na aspeto man.

Ang mga larong Pinoy, hindi man nalalaro araw-araw ng bagong henerasyon, ay tiyak na mananatili sa puso at isip ng mga batang minsang naging buhay ito. Ang kultura ay patuloy na magiging makulay at hinding-hindi mababaon sa limot lalo na ng mga kabataang Pinoy na nagmahal at patuloy na magmamahal dito.
References:
Anubhav (2023, December 27). Nintendo 3DS and Wii U Online Services Reach Their Finale. Gizmochina. https://www.gizmochina.com/2023/12/27/nintendo-3ds-wiiu-online-services/
Arenas, I. R. (2016, September 5). Holen: Post 181A. Visual Tales https://visualtalesblog.wordpress.com/tag/holen/
Bahay-bahayan (2013, September 29). Pinoy Board Games. https://pinoy-bored-games.blogspot.com/2013/09/bahay-bahayan.html
Celis, N. (2016, April 21). PHILIPPINES-LIFESTYLE-ANIMAL. Getty Images. https://www.gettyimages.ca/detail/news-photo/boy-oversees-a-spider-match-on-one-of-manilas-city-streets-news-photo/522811652
Chinese Garter (n.d.). Manillenials. https://www.manillenials.com/lesser-known-pinoy-street-games-we-miss-playing/chinese-garter/
Jaymalin, R. (2019, November 15). Traditional Filipino games eyed vs diabetes. Philstar. https://www.philstar.com/headlines/2019/11/15/1969006/traditional-filipino-games-eyed-vs-diabetes
Jewel457 (2014). Kids playing pogs. WikiMedia. https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Kids_playing_pog.jpeg
Kids Encyclopedia Facts (2025, April 15). Traditional games in the Philippines facts for kids. Kiddie. https://kids.kiddle.co/Traditional_games_in_the_Philippines?utm_source=chatgpt.com
NumJasper (2015, July 20). Tumbang Preso. Philippines Fandom. https://philippines.fandom.com/wiki/Tumbang_Preso
Nth_Harmony (2019). Pinoy checkers. r/Philippines Reddit. https://www.reddit.com/r/Philippines/comments/azcg3f/pinoy_checkers/
Patintero (tag) takes over the driveway some days) (2018, October 7). Children’s Shelter of Cebu. https://www.facebook.com/photo/?fbid=10156765403938151&set=a.371936333150
TOP 5 Philippine Traditional Games you must try (n.d.). Art of Blade. https://www.artofblade.com/philippine-dances
Villegas, A. (2014). Luksong Goma. UCLA Liwanag at Dilim. https://uclaliwanagatdilim2015.wordpress.com/category/kultura-culture/larong-pinoy/page/2/
Zain, Z. M., Jasmani, F. N. N., Haris, N. H., & Nurudin, S. M. (2022, September 7). Gadgets and Their Impact on Child Development. MDPI. https://doi.org/10.3390/proceedings2022082006