OPM: Obrang Pinoy Muna
Image Source: BusinessMirror (2025); Orange Magazine (2024)
“Ang kontrobersyal na sining ni Dionela at ang pag-usbong ng karera ng Bini”
By Ma. Altea Mora, Kristine De Mesa, and Remo Nicdao
March 18, 2025
Madalas na ipinapatugtog sa mga coffee shops na ating tinatambayan o malls na ating pinupuntahan ngayon ang mga sikat na awitin ni Dionela at ng P-pop girl group na Bini.
Ilan lamang sila sa mga pinakamaiingay na pangalan sa larangan ng OPM ngayon. Maingay sa parehong maganda at sa hindi kanais-nais na dahilan.

Video Source: Fast Talk With Boy Abunda (2025). The Nation's Girl Group, BINI!. GMA Network
OPM pa nga ba ito?
Anong tingin mo sa mga liriko tulad ng “Pinsala'y ikinamada” at mga elemento ng musika gaya ng “bubble gum concept”?
Kakaiba ang estilo at ang artistry na ipinapakita ni Dionela at ng Bini sa kanilang mga kanta. Madalas na ikinukumpara ang mga TagLish lyrics na gawa ni Dionela sa mga lyrics ng mga awitin noon. Habang ang BINI naman ay kinukutya sa di umano pagkopya nila sa K-pop. Kaya naman may mga nagsasabi na tila hindi na OPM ang makabagong musikang napakikinggan sa ngayon. Nawala na ang konsepto ng pagka-Pilipino sa mga liriko, wala ng pagka-orihinal sa paggawa ng sariling tunog at ritmo, at unti-unti nang nawawala ang presensiya ng OPM sa makabagong mundo. Tama nga ba ang mga konklusyon at ideyang ito? Ano nga ba talaga ang OPM?
“The term was a label for Philippine pop ballads during 70s and 80s. However, this eventually became a catch-all term for music produced by Filipinos (Greenslade, 2020).
Samakatuwid, ang OPM o Original Pinoy Music ay mga musikang gawa ng Pinoy. At sa kabila ng mga argumento o negatibong pananaw sa kalagayan ng musikang pilipino ngayon, masasabi pa rin na ang mga makabagong musika ay OPM. Ano man ang tunog at inspirasyong pinagkunan nito.
Gayunpaman, hindi masisisi ang mga tagapakinig kung nais nilang panatilihin ang musikang nakasanayan sa lupang tinubuan. Ngunit, ang pagiging bukas sa transisyon o pagbabago na sumasabay sa agos ng sining sa kasalukuyan ay magiging malaking tulong sa pag-angat ng mga musikerong Pinoy na patuloy na nangangarap at nagtatanghal.
Video Source: @leafy_captures/TikTok

Ang Pag-asa ng OPM
Ano ang huling kantang pinakinggan mo? Kung hindi ito OPM, hindi mo maikakaila na mahirap makipagsabayan sa mga awiting internasyonal, ngunit ang mga artist tulad ni Dionela na namamayagpag sa larangan ng R&B at ang Bini na nagbibigay kulay sa industriya ng musika ay nagsisilbing daan upang muling tangkilikin ng masa ang sariling atin.


Nagiging tulay din sila upang makilala at mapakinggan ang iba pang maliliit na OPM artist gaya na lamang ni Eliza Maturan.

Sumikat ang kanta nitong “Museo” matapos itong i-post ni Bini Colet sa iba’t ibang social media platforms gaya ng Instagram at X.

Photo Source: Eliza Maturan (2025)/Youtube
At noong 2024, featured ang isang miyembro ng Bini na si Stacey Sevilleja sa music video ng hit single ni Dionela na “Sining” na umani ng milyon-milyong views na nag-udyok sa tuluyang pagkilala ng masa kay Dionela at sa mga obrang gawa nito. Mula noon, naging matagumpay ang parehong artist sa larangan na kanilang tinatahak at samo’t saring pagkilala na ang kanilang natanggap.
Video Source: Dionela - Sining ft. Jay R (2024). Dionela/Youtube

Video Source: Wish 107.5 Official (2025)/Tiktok
Isang patunay na ang bagong linya ng mga musikerong Pinoy, hindi man tulad ng dati—ay maaari pa ring maging pag-asa ng Pilipinas sa larangan ng musika.
Mali bang baguhin ang OPM?
Sa paglipas ng panahon, maraming musikero at artista ang nagbigay daan para sa mga kasalukuyang pangalan sa industriya ng mga mang-aawit. Patuloy ang mga ito sa pagtuklas ng sigla at kiliti ng masa. Mula sa mga klasikong awitin ng grupong Apo Hiking Society, sa mga makabagbag damdaming kanta ni Rey Valera, at nakasisiglang musika ng bandang Parokya ni Edgar, hanggang sa makabagong tunog ngayon na ipinapamalas ni Dionela at ng Bini—malayo na ang narating ng OPM at marami na itong napagdaanan. Hindi na mabibilang sa daliri ang mga tinig na ating narinig at hindi na sasapat ang isang araw upang pakinggan ang mga paborito nating kanta.
Sa iyong palagay, mali bang baguhin ang OPM?—teka, binabago nga ba talaga ito ng mga mang-aawit ngayon o nagdadagdag lamang sila ng kanilang sariling timpla? Kahit gaano katagal pa nating pag-isipan, sa dulo ng mahabang diskusyon at usapan, ang maririnig ng iyong tenga ay nasa iyo pa ring palad. Ang mga lumang awitin ay mananatiling nariyan upang iyong balikan, at ang mga bagong tugtugin ay patuloy na madadagdagan upang ating masubukan.
Marapat nating respetuhin ang opinyon ng isa't isa at marapat ding respetuhin ang mga musikerong Pinoy na walang ibang hanggad kundi ang irepresenta ang ating bansa at magbigay buhay sa ating musika.
References:
Billboard Global No. 1s. (2024, December 18). BINI: Making A Global Impact In 2024. Billboard Philippines. https://x.com/billboard/status/1869490633100206390?t=H_Px37E8xhIZvEvKvkqV3g&s=19
BINI (2025, March 17). Spotify Update As of March17. Spotify. https://x.com/dynickeen/status/1901687501603156209?t=B_DyPpzXC4nok_DyBG_egA&s=19
bini_colet (2024, June 1). BINI Colet Instagram update using “Museo” audio. https://www.instagram.com/p/C7qVSX_piUL/?igsh=dGQ3ajViNnJ2dmNp
Business Mirror (2025, February 16). BINI sweetens deal as newest brand ambassadors for Amazing Choco Barley. https://businessmirror.com.ph/2025/02/16/bini-sweetens-deal-as-newest-brand-ambassadors-for-amazing-choco-barley/
Calderon, E. C. (2025, February 17). 8 Standout Moments From BINIverse World Tour 2025 Philippines. ABS-CBN. https://www.abs-cbn.com/lifestyle/culture/2025/2/17/8-standout-moments-from-biniverse-world-tour-2025-philippines-1016
Dionela Representing the Philippines in Asia Song Festival (2024, October 26). Dionela Facebook Page. https://www.facebook.com/share/p/1ajfacKdJT/
Dionela accepting the Wish R&B song of the year award. (2025, January 19). Wish 107. 5. https://vt.tiktok.com/ZSMT1A2ko/
Dionela lyrics hate tweet (2025, January 12). https://x.com/karlgiyaan/status/1878235868629975263?t=sZ4GdpzgcqCYk3qsSf_vQA&s=19
Fast Talk With Boy Abunda (2025, January 31). The Nation's Girl Group, BINI!. GMA Network. https://www.youtube.com/watch?v=ctgGoe2ZmaY
Greenslade, A. (2020, November 23). What makes OPM original? The characteristics of Original Philippine Music. Filifest. https://filifest.co.uk/blog/what-makes-opm-original-the-characteristics-of-original-philippine-music
“Museo” Music Video (2024, December 7). Eliza Maturan YouTube Channel. https://youtu.be/osRhJjvNSds?si=ndRUcSXT3IVuULjR
“Museo” Tiktok featuring Bini Colet. (2024, May 22). Eliza Maturan TikTok Account. https://vt.tiktok.com/ZSM3oAsys/
“Sining” Music Video Ft. Jay-R. (2024, July 17). Dionela. https://youtu.be/LLqDfGFMJbk?si=Yul_X34oUCrHWdMe
Spotify Top Songs Philippines. (2024, January 27). AllchartsPH. https://x.com/allchartsPH/status/1884240541271089660?t=RW1NQNgq8-Vn8ca81cbUSg&s=19
Team Orange (2024, August 16). Dionela breaks records with chart-topping hit. Orange Magazine. https://orangemagazine.ph/2024/dionela-breaks-records-with-chart-topping-hit