Bagyo ka lang, Pinoy kami: Filipinos and the Art of being resilient 

Image Source: Svenska kyrkan (2014)

"Katatagan, The Filipino Pride"

By Altea Mora, Kristine De Mesa, and Remo Nicdao
April 9, 2025

Kilala ang mga Pilipino sa pagiging matatag at masipag, hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa. “Pinoy resiliency is incredible”, ika nga. Anuman ang pagdaan, sa pang-araw-araw man o sa panahon ng trahedya, tinitingala ang mga Pilipino tuwing nakikita ang pagtutulungan sa gitna ng kagipitan o kahirapan. Isang bagay na nararapat lamang na ipagmalaki—ngunit kakaibang pasakit din ang dala ng imaheng bitbit ng konsepto ng resiliency o katatagan ng mga Pinoy dahil sa mga implikasyong hatid nito.

Ang katatagan ng mga Pilipino

Katatagan ng loob na humarap sa lahat ng pagsubok ang isa sa mga katangiang mayroon tayong mga Pilipino. Katatagang harapin ang lahat ng problema sa kabila ng mga balakid na humaharap sa atin. Ito ang pagiging Pilipino. Inaayos ang lahat ng kayang ayusin, tinutulungan lahat ng kayang matulungan, at ibinibigay ang lahat sa kapwa Pilipino sa mga oras na ito’y nangangailangan. Iyan ang konsepto ng katatagan sa ating bansa.

Image Source: Tid, R. V. (2024). GMA Regional TV
Image Source: Tid, R. V. (2024). GMA Regional TV

Ito ay kuha sa isang regional news report kung saan makikitang giba ang mga tahanan matapos ang bagyo habang nakatingin na animo’y nawalan ng pag-asa ang isa sa mga residenteng nasalanta. Isang masalimuot na larawan na nagpapakita ng kalupitan ng mga sakuna. Talamak ang ganitong eksena sa tuwing dumarating ang mga unos sa ating bansa. Lungkot, takot, at pangamba, iyan ang normal na mararamdaman ng isang taong nawalan ng tahanan, kagamitan, at mga mahal sa buhay sa isang iglap lamang ngunit gaya sa palabas, ang mga eksena ay may katapusan. Ang mga luha’y napapalitan ng mga ngiti at ang pag-asa’y muling natatanaw kasabay ng pagliwanag ng kalangitan. Bakit at paano nangyayari ito?

Only in the Philippines?

“Amid the relentless storms that battered the country in 2024, stories of resilience, compassion, and hope emerged as communities came together to rebuild and heal. (Abordo, 2024)”

The Denver Post (2016)
The Denver Post (2016)
I Love Tansyong (2013)
I Love Tansyong (2013)

Ito ay ilan sa mga larawan ng mga Pilipino matapos masalanta ng iba't ibang bagyong tumama sa Pilipinas. Makikita pa ang baha, ang mga bahay na sira-sira, at ang bakas ng nangyaring kaguluhan ngunit hindi pa rin matatawaran ang ngiti, ang biruan, at positibong pagtanggap ng mga Pinoy sa nangyaring trahedya. May mga lumalangoy, naglalaro, nag-iinuman, nagsasayaw, at kung ano-ano pang gimik. 

“From unsung heroes offering aid to creative interventions bringing solace to the youngest survivors, these inspiring acts prove that bayanihan thrives in the toughest times… (Abordo, 2024)"

 

Kahit sino nga namang makabasa o makakarinig sa ganitong balita sa gitna ng delubyo ay masasabing inspiring ang mga taong ito. May panlulumo man, ang nangyaring sakuna ay magiging kwento ng katatagan, pag-asa, at pagkakaisa.

Ang ganda nga naman sa pandinig, may kalamidad ngunit mayroong pagbangon, may iba’t-ibang charity organizations, large corporations at foundations, mga small businesses na siyang handang tumulong sa ganitong mga pagkakataon, at ang mga nasalanta ay nagtutulungan upang makabawi sa buhay. 

Hindi madali pero kakayanin”, tipikal na linyahan ng mga Pinoy na nakakaranas ng pagsubok, mababaw man o mabigat. Ngunit ang ganitong mga pangyayari ay paulit-ulit lamang. Bagama't hindi maiiwasan, mayroon sanang magagawa upang mabawasan ang tyansang mangyari ito at hindi maging mabigat ang epekto nito sa mga tao. Ngunit ang mga Pilipino ay walang ibang aasahan kundi ang kanilang sarili lamang dahil ang gobyerno…teka, nasaan nga ba ang gobyerno tuwing panahon ng kalamidad?

Nasa’n ang sabaw?

Pamimigay ng delata, pagpapakain ng lugaw at sabaw, ‘yan ang kadalasang sagot ng gobyerno sa mga sakuna. Natutulungan man nito ang mga tao, mas malaki pa sana ang magagawa ng gobyerno sa mga ganitong kaganapan. Hindi na lingid sa kaalaman ng lahat na hindi epektibo ang serbisyo ng gobyerno. Nararamdaman ito sa lahat ng sektor, ngunit mas nagiging maliwanag ito sa mga panahong kailangang-kailangan sila ng mga Pilipino. Nangunguna ang mga charity at corporations sa pagtulong, dagsa ang mga donasyon ng mga tao mula sa iba't ibang panig ng bansa, at mga kapwa Pilipino lang din ang unang rumeresponde sa mga nasalanta. Noong nakaraang taon lamang, umalis sa bansa para sa isang family trip ang noong bise presidente na si Sara Duterte sa gitna ng bagyong labis na nakapinsala sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Naging usap-usapan ito, nabalita, at kumalat sa social media. Tinagurian siyang iresponsable at walang pakialam sa mga mamamayang kaniyang pinaglilingkuran.

 

"It is not an excuse that the trip has long been planned and she has a travel authority. It does not justify her leaving the country at a time of crisis (Lagman, as quoted in Chi, 2024)".

 

Talamak din ang bali-balitang hindi naipamimigay ang mga ayudang para sana sa mga biktima ng trahedya na malaking tulong sana ngunit sa huli ay walang nakinabang.

Maraming flood projects din ang hindi nagiging matagumpay. Sabihin mang nagawa na ito, magsisilbing patunay ang mga baha na patuloy na umaagos kada bubuhos ang ulan na hindi pa rin ayos ang problema.

Sa dami ng ipinapatayong imprastraktura at inilulunsad na iba’t-ibang programa, ang tanong ng karamihan ay bakit hindi mapaghandaan ang mga paparating na kalamidad? Bakit nahihirapan ang mga Pilipinong makamit ang tulong at suporta sa pagharap sa mga pagsubok na ito?

Fund For Peace, 2022, as cited in BusinessWorld, 2022
Fund For Peace, 2022, as cited in BusinessWorld, 2022

Tayong mga Pilipino ay matatag dahil wala tayong ibang aasahan. Naging matatag tayo sa paglipas ng panahon dahil kailangan nating maging matatag, hindi dahil ginusto natin ito. Natatakpan ng konsepto ng resiliency ang mga kakulangan ng gobyerno. Ang pagiging resilient nating mga Pinoy ay nagiging dahilan kung bakit nagmumukhang ayos lamang na walang aksyong ginagawa ang mga nasa taas upang solusyonan ang mga unos na kinakaharap ng mga mamamayang Pilipino. Samakatuwid, kahanga-kahanga man ang katatagan, mayroon pa rin itong hindi mabuting kahihinatnan. At ang mga puri at pagkilala na ating nakukuha ay walang saysay kumpara sa hirap na ating nararanasan.

Ang Coping Mechanism ng mga Pilipino

Image Source: RPTV Facebook Page (2024)
Image Source: RPTV Facebook Page (2024)

Ang pag-romanticize. ‘Yan na lamang ang kaya nating gawin upang maging positibo ang imahe ng resiliency. Ngunit marami na ang namulat at ngayo’y hindi pabor sa konseptong ito.

Image Source: @agot_isidro/X
Image Source: @agot_isidro/X

Kung iisipin, walang masama sa pagpapakita ng katatagan. Ang masama ay nagiging dahilan ito upang magpatuloy tayo sa buhay nang walang suporta at gabay. Tayo ay may karapatan ngunit nalilimutan ng mga nasa itaas, maging ng ilang Pilipino, ang mga karapatang ito. Nasasanay tayo na walang ginagawa ang gobyerno, na hindi nila tayo pakikinggan kailanman, at na sa oras ng sakuna ay hindi sila matatagpuan.

Ang cycle ng pagiging Pilipino

Marami na tayong pagsubok na napagdaanan at marami pa ang mga nakaambang darating. Isa lang ang mga sakuna sa mga problemang ating kinakaharap at paulit-ulit na nalalagpasan. Walang tanong at walang duda na ang mga Pilipino ay matatag at patuloy na lalaban dahil pagtapos ng mga unos, tiyak na sisikat ang araw. Muling hahalik sa lupa ang liwanag, at magsasaya ang bawat isa. Ito ang pagiging Pilipino. Resilient dahil kailangan, matatag dahil walang pagpipilian. 

References:

Anne Falk (April 22, 2014). Sweden and the Philippines Differ in Focus on a Common Christian Celebration. https://blogg.svenskakyrkan.se/utbyte/2014/04/22/sweden-and-philippines-differ-in-focus-on-a-common-christian-celebration/

Abordo, V. J. (2024, December 30). YEARENDER: The Philippines' unprecedented storms in 2024. GMA Regional TV. https://www.gmanetwork.com/regionaltv/news/105867/yearender-the-philippines-unprecedented-storms-in-2024/story/

Chi, C. 2024, (2024, July 25). OVP confirms VP Sara on 'personal' trip abroad amid 'Carina' onslaught. Philstar. https://www.philstar.com/headlines/2024/07/25/2372904/ovp-confirms-vp-sara-personal-trip-abroad-amid-carina-onslaught 

Gadon, B. T. M. & Fortin, B. R. (2022, December 28). Philippines scores 5.9 in the State Resilience Index. BusinessWorld. https://www.bworldonline.com/infographics/2022/12/28/495506/philippines-scores-5-9-in-the-state-resilience-index/

Isidro, A. (2020, June 1). X’s post rejecting the idea of Filipino Resiliency. Agot Isidro X Account. https://x.com/agot_isidro/status/1267360205165047810

Orbuda, J. D. (2013, August 22). Despite of Typhoon“ Maring” Filipinos are still Smiling. I Love Tansyong. https://www.ilovetansyong.com/2013/08/HappyFilipinosduringTyhoonMaring.html

Su, Y. & Mangad, L. L. (2016, August 10). Bayanihan after Typhoon Haiyan: are we romanticising an indigenous coping strategy?. Humanitarian Practice Network. https://odihpn.org/publication/bayanihan-after-typhoon-haiyan-are-we-romanticising-an-indigenous-coping-strategy/

TANONG PARA SA PINOY (2024, July 9). RPTV Facebook Page. https://www.facebook.com/share/p/1BAbWNVRw7/

“10 Hilarious Reactions to Filipino Typhoons | Comedy Performance”; Compilations of comedic internet videos about Filipino Typhoons (2024, July 25). Ughsthr3y4. https://vt.tiktok.com/ZSraStDsT/ 

The Associated Press (2016, April 29). Filipinos’ spirit shines through misery and rubble in wake of typhoon. The Denver Post. https://www.denverpost.com/2013/11/19/filipinos-spirit-shines-through-misery-and-rubble-in-wake-of-typhoon/

Tid, R. V. (2024). The aftermath of Typhoon Pepito in Viga, Catanduanes. GMA Regional TV. https://www.gmanetwork.com/regionaltv/news/105867/yearender-the-philippines-unprecedented-storms-in-2024/story/

Anong masasabi mo sa usaping ito?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top